CANDELARIA GARAGE JAM aka GARJAM

Originally posted online on the fansite, "The E-Site" by Taj Mahal Ibrahim
Original URLs: http:// www.geocities.com/sunsetstrip/lounge/6189/ or http://fly.to.alapaap/

>>>

Lathalain / Pahina 7
Philippine Collegian
Huwebes, 7 Marso 1991

ERASERHEADS: unreleased, totally underground
tracks recorded January 26, 1991

ni Abomenable Guerilla

Marami na siguro sa inyong nakarinig sa Eraserheads na tumugtog sa mga konsyerto sa UP. Noong nakaraang UP fair sila nga lang ang talagang pinalakpakan ng mga tiga-UP dahil sila talaga ang pinakamagaling.

Eto at meron na silang teyp na binunuo ng siyam na orihinal na kumposisyon. Hindi binebenta ang teyp na ito sa mga regular na record dealers pero kung makulit kayo ay baka makahingi kayo ng kopya sa mga miyembro ng banda. May pagkalabo ang rekording dahil nirekord lang ito sa isang garahe sa Quezon Province pero pwede na rin basta lakasan ninyo ang vocal track.

Malinaw ang impluwensiya ng bandang THE CURE (ang bandang pinanggalingan ng 'notorious' na Boys Don't Cry na ginawang super-extended-disco-hit) sa teyp na ito. Maririnig ang impluwensiyang ito lalo na sa mga kantang Sori, The Fifth Moon, Dying Slow at One Last Angry Look. Kahit nga sa liriks ay makikita natin ang tema ng abandonment complex na teydmark na ng Cure.

And when the night starts to fall
I must answer your call
Just turn away
No need to stay.
-- One Last Angry Look

Kung eeksaminin natin ang mga kanta sa teyp ay makikita natin ang mga musical sources nila. Ang pinakamatindi ay ang unang plaka ng Cure na inilabas ng 18 taong gulang na Robert Smith noong 1978. Sa plaka na ito matatagpuan ang orihinal na Boys Don't Cry, F.I.R.E. I.N. C.A.I.R.O., Killing an Arab at marami pang mahuhusay na kanta. Ang isa pang plaka ng Cure na may malaking impluwensiya sa bandang ito ay ang Seventeen Seconds (1980) na naglalaman ng The Forest, M, at Play for Today . Minana ng Eraserheads ang adolescent existentialism, nihilismo at 'corrupted' na asta ng Cure. 'Yun nga lang, umabot ang rurok ng pilosopiya ng Cure sa plakang Pornography (1982) na naglalaman ng mga suicidal na kantang tulad ng Hanging Gardens, One Hundred Years, Figurehead at ang obra maestrang Strange Days. Ang nakitang solusyon ng Cure sa kawalang pag-asang ito, bagamat hindi ito nawala, ay ang Lovecats at Close to Me.Iba na ang ginawang solusyon ng Eraserheads.

Hinaluan ng Eraserheads ang impluwensiya ng Cure ng mas maagang Ska at Reggae (makikita ito sa mga kantang Milk and Money, Amen at lalo na sa Fifth Moon na parang Cure na ini-ska). Halatang hindi nakuha ng Eraserheads ang reggae nila kay Bob Marley, pero malamang ay napulot nila ito sa mga bandang punk ng Inglatera tulad ng The Specials, Madness, at The Clash. (Totoo palang merong henerasyong nabubuo na nakinig sa Capitol Radio!) Ang sobrang nihilismo ng Cure ay hinaluan nila ng optimistikong elemento at communal spirit ng reggae at ska kaya mas naging totoo sila sa kanilang pinaggalingang kultura at konteksto.

Ayon nga sa palasak na kasabihan: Pag nalulungkot ang Pinoy, nagbibiro na lang siya. Ganito ang ginagawa ng Eraserheads, ang mga paksain ng mga kanta nila ay tungkol sa mga ngitngit ng karaniwang buhay at buhay iskolar ng bayan. May mga kantang parang pop pero "pop" talaga, tulad ng Fading River, Shake Your Head at isang kantang nagiging popular na sa mga nakarinig nito, ang Pare Ko:

O Diyos ko! Ano ba naman ito
Di ba 'tang-ina, nagmukha akong tanga
Pinaasa niya lang ako
Lecheng pag-ibig 'to

Parang korni pero masayang pakinggan dahil mapagbiro ang kanta sa paggamit nito ng mga mura. Mababaw na kung mababaw.

Pero bakit nga ba puro Ingles ang mga liriks nila liban sa Pare Ko? Sabi nga nila sa kantang Amen (na parang listahan ng lahat ng kinaiinisan nila):

You're asking me where I got my slang
Well I got it from listening to OPM.

May mga banat din sa entertainment industry:

Superstars and Megastars
Blabbermouths for seven hours
And you say that's entertainment?
Get outta my face!


May banat sa edukasyon at public transport system:

Registration Flagellation
Burnin up with my EPN
***
If you're hip! If your hips too big
you're gonna have a hard time
riding jeepneys oh yeah

Magiging importanteng banda ito kung magpursige lang sila at 'di papatalo sa mga komersyal na recording companies, at kung 'di kaagad lumaki ang kanilang mga pambura.

[cached "The E-Site" page]


Courtesy of Leticia Adoro

[close window]

 

Copyright 2014 The Schizo Archives