GIG:
Live Review by: Donna G. Morato
(“Rock & Rhythm”; Vol. 5, No. 81; 1995)
YANO / ERASERHEADS : “Handog ng mga Tubong UP”
Plus: Dirt Orchids / Tungaw / DJ Alvaro
UP Diliman, Q.C.
February 15, 1995 Wednesday
Mula Feb. 13 hanggang 17, UP Fair at ang kauna-unahang U.P. Diliman Week. Ewan ko kung ano na naman ang pakana ng administration tungkol sa Diliman Week pero alam kong iisa lang ang dahilan kung bakit much awaited ang UP fairs – mga free concerts. Ang siste, may limang pisong entrance fee para makapasok sa fair grounds kaya hindi talaga libre.
Basically, back to back concert ito ng Eraserheads at Yano. Pero mayroon pang ilang artists na na-feature tulad ng Tungaw at Dirt Orchids. Ayon sa mga posters, alas-sais daw simula ng concert, pero nasa UP nga pala kaya nagsimula ng eight-thirty. Mga sampung minuto bago magsimula, nasunog ang mga speakers sa bandang kanan ng stage. At habang nagkakandarapang inaayos ng mga organizers (na mas lalo pa yatang nakakagulo) ang iba-iba nilang kapalpakan, sige nga pagpapalabas nila ng mga commercials ng mga sponsors. Sabi nga ng katabi ko, “Kung gusto kong manood ng commercials, sana umuwi na lang ako.”
Oo nga pala, Office of the University Chancellor at Office of the Student Regeant ang organizers nito.
Anyway, kahit nabawasan na ng isa ‘yung apat na speakers, natuloy pa rin ang konsyerto. Pero bago isinalang ‘yung mga banda, nagsalita muna ang student regeant na si Dennis Cunanan na nagbigay ng magandang balita na hindi tuloy ang P500 per unit na tuition fee hike from the current P300 per unit. ‘T*** na, kaya hindi mo masisisi si Dong Abay na kumanta ng “State U. f*** you!”
Unang isinalang ang Dirt Orchids na gumawa ng ilang kanta ng Soundgarden. Ayos na sana, magaling ang lahat ng instrumento pero ‘yung vocalist, parang sinisipong Chris Cornell. Ang nasal ng dating. Pero na-redeem sila ng konti ng humataw sila ng original nila na ayos naman.
Sumunod ang Tungaw na ang lahat ng tinira ay originals. Kahit mga bata pa (sa edad) ang galing humataw ng mga ‘to. Ibang klase ang tunog nila, punk rock na may underlying island beat. Sila lang yata ang naka-pull-off ng pagsasayaw on stage with matching shuffling of the feet. Pagkatapos ng set nila, naki-jamming si Romeo Lee, the Wildman of Diliman, na naging host din ng buong concert. Bale kinanta niya ay isang generic na rock and roll song at “My Girl.”
Pagkababa ng Tungaw, ang isinisigaw na ng karamihan ay “Eraserheads!” Pero nagmakaawa daw itong si DJ Alvaro sa head ng mga organizers kaya nakasingit ng dalawang kanta. Ayos na sana ang acoustic set niya kung hindi niya inuunahan ng pagbubuhat ng sariling bangko. “Ito nga pala ‘yung nag-top 3 sa LA 105.” Mare, kung alam mong magaling ka at hindi ka insecure sa tunog mo, hindi mo na kailangang sabihin ‘yon.
At sa wakas, nakahinga na ng maluwag ang karamihan ng pumasok na ang E’Heads. Pero ang dami namang nakaka-badtrip na nangyari. Una, ang daming mga babaeng nagsisigawang “Ely! Ely! Ang kinis ng mukha ni Ely ngayon! Ang guwapo niya!” (Forgive them Father, for they do not know what they were saying.) Ngii!!! Nagpa-derma lang ‘yan eh! At kung guwapo si Ely, siguro guwaping na rin si Ritchie Da Horsie! Siyet! Kaya siguro ang laki-laki ng ulo niyan ngayon. Pangalawa, ang peke ng dating ni Ely. Kesyo meron pang “O, akala ko ba ang daming tao, bakit konti lang ang naririnig kong pumapalakpak?” Ah, leche! Style po ‘yan ni Wency Cornejo, ‘no! Pangatlo, may ilang UP Diliman Police na nag-disperse sa mga batang nananahimik na nakaupo sa gilid ng stage na nanonood. Mukha naman pong ang tapang-tapang ng mga lintik na lespung ‘yan kapag bata ang tinatalo nila. Pero ‘yung mga binatang nanggugulo at ilang makukulit na slam dancers, hindi sila maka-akma. ‘Yung mga gagong nakaupo sa tuktok ng speakers ang dapat paalisin, hindi man lamang binigyang pansin. Bata-batuta, ginamitan ng batuta!
Mabuti na lang at natapos din sila at naisalang na rin po ang Yano. Dito, doble ang pagwawala ng audience ang nangyari kung ikukumpara sa ‘Heads. Eh sino ba naman ang hindi sa tindi ng tugtugan nila? Bingi ka na lang siguro. Kahit nga ang mga fishball vendors sa labas ay nagpapabati na lang sa Yano, di bola ‘yan. Ang galing ni Dong mang-engganyo ng audience, kahit pilit. Payak lang, walang eklat.
Yano talaga ang da best. Walang bola ‘yan. |